Nananghalian ako kanina sa may isang side sidestreeet sa may Carriedo, Manila. Napansin ko na pwede nang daan ng mga sasakyan ang Carriedo dahil pinaalis na ni Mayor Lim ang mga structures ng mga vendors sa gitna ng kalye.
Sa gitna ng aking pagkain, biglang naglitawan ang mga vendors ng mga mansanas at prutas tulaktulak ang kanilang kariton sa sidestreet na kinakainan ko. Ayun, nagkakahulihan ng mga illegal vendors sa may Carriedo mismo. Alam ng mga vendors na ito na bawal ang ginagawa nila pero sige pa rin sila, baka makalusot.
Nagbibigay naman ng permit ang city hall para sa mga nais magtinda pero masgusto nilang nakikipag patintero sa mga nanghuhuli. Bata pa ako, ganito na ang kalakaran doon sa palengke sa Olongapo. Hanggang ngayon, ganun pa rin ang sistema. Matgpunta ka sa mga palengke lalung lalu na sa Divisoria, normal na ang pagtataguan at paghahabulan ng mga illegal vendors at mga tauhan ng city hall. Ginagawa at ginagawa ng mga vendors ang pagtitinda kahit laam nilang bawal, baka sakaling makalusot.
Sabi nila masarap ang bawal. Mas lalung sumasarap ang bawal kapag nakakalusot. Minsang makalusot ka, malaki ang posibilidad na uulitin mo kung ano man yung bawal na gawaing ito.
Sa gobyerno, oras na makatikim ng simpleng lagay ang isang empleyado, tuloy tuloy na yan. Ang isang nakikipagtransakyon, oras natutong magbigay ng lagay kahit alam nyang bawal, tuloy tuloy na rin yan. Kapag sa umpisa nakalusot, uulit at uulit na yan.
Si Ramos at Enrile, nagbarikada noon sa Camp Crame dahil huhulihin na sila ng mga tauhan ni Marcos. Alam ni Ramos at Enrila na bawal yung ginawa nilang yon pero sige pa rin sila. Ayun, nakalusot. Yung isa naging pangulo at iyong isa nangarap ding maging pangulo pero hanggang Senado lang ang kinaya ng powers nya.
Si Gringo, tumulad kina Ramos at Enrile. Malas nya di sya nakalusot. Si Trillanes, nagbakasakali ding makalusot kaso minalas din. Ang sinusuwerte pa lang ay si GMA. Nakipag usap sa isang Comelec commissioner kahit alam nyang bawal baka sakaling makalusot. Malas nya na wiretap sya pero hanggang ngayon nagpipilit pa ring makalusot.
Lahat ng gumagawa ng kabulastugan, katiwalian, kalokohan o anu mang labag sa batas, lahat yan ginagawa, kahit mali, dahil baka sakaling makalusot.
Iyan ang isa sa mga ugali nating nakakapikon. Alam nang bawal ginagawa pa rin, baka sakaling makalusot. Kapg hindi natin ito nalabanan o nabago, itaga nyo sa bato, habang panahon na lang tayong lulusot ng lulusot.
Pero may magagawa tayo. Kailangan lang na ma inspire tayo para magkaroon ng kolektibong pagbabago. Sa isang good citizenship campaign, mababago natin ito.
2 comments:
ang bigat dalhin ng Pilipinas dahil sa mga Pilipino.
ika nga, ang problema
hindi imperyalismo,
hindi pyudalismo
hindi burukrata kapitalismo
kundi tayo mismo.
Post a Comment