ni Amado V. Hernadez
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
4 comments:
IT'S A VERY INTERESTING POEM THAT MAKES MY FULFILLED NOT ONLY SADNESS BUT ALSO JOYFULNESS TO MY HEART AS I AM A FILIPINO, FILIPINONG TOTOO
NICE! ! =) PROJECT NAMIN TO SA FILIPINO EH, AS "SABAYANG BIGKAS". MAGANDA YUNG POEM THEN YUNG CHOREOGRAPHY NAMIN JAN, KASO NGA LANG, SADYANG NAKAKATAMAD MAG PRACTICE. PAG NASA MOOD LANG KAMI NAKIKI-COOPERATE. :)) SHARE LANG! =))
KAMI RIN! YAN DIN ANG PROYEKTO NAMIN SA FILIPINO. SABAYANG PAGBIGKAS. KASO NAGKAKAGULO SA KLASE NAMIN E. SANA MAAYOS NA. PARA MAGANDA ANG KALABASAN :)
Nakakainspire, para sa mga mag-aaral ng UPHSL, mainam ang kompetisyon, ngunit higit pa rin na mainam kung isasapuso at isasaloob ang bawat salita at damdaming nilolob ni Amado V. Hernandez. Sir monching
Post a Comment