Ito ang GOOD CITIZENSHIP campaign ng MMDA. Lagi kong napapanood sa sinehan yung film clip ng kampanyang ito. Maliban kay Atienza, bawat alkalde ng Metro Manila may dialogue sa film clip. Noong una kong napanood, ang unang pumasok sa isp ko, napaka aga namang mangampanya ng mga mayor ng Metro Manila.
Kapag mapapadaan ka sa mga malalaking lansangan, tiyak may makikita kang karatula ng Metro Guapo. This campaign is all about GOOD CITIZENSHIP. Pero may pumapansin ba? May sumusunod ba? Sa tingin ko wala. Sa mga nakakakita at nakakarinig ng kampayang ito, ang reaction nila, ala lang. Sa EDSA na nga lang, ang lalaki ng karatulang may nakasulat na WALANG TAWIRAN, NAKAMAMATAY pero, hala, sige, tawiran pa rin ng tawiran ang mga tao. Sadya nga ba talagang matitigas ang ulo ng mga Pinoy?
Hindi ko iku question ang sincerity ni Bayani Fernando sa kampanyang ito. Maganda ang nagawa niya sa Marikina. Kung kayang gawin sa Marikina, bakit di magawa sa buong Metro Manila o sa buong Pilipinas? Kaya naman talaga nating sumunod sa mga alituntunin. Mga Pinoy din naman ang mga nakatira sa Marikina, di ba? Pero bakit ang titigas ng mga ulo natin. Karamihan sa atin, mga pasaway. Kung susundin lang natin ang mga panawagan ng MMDA, magkakaroon siguro ng kaayusan sa ating paligid. Pero bakit walang pumapansin sa kampanyang ito ng MMDA?
Hula ko lang, dahil kampanya ito ng gobyerno. Walang tiwala ang mga tao sa gobyerno kaya't ang mga panawagan nito ay hindi pinapansin ng tao. Ibig sabihin, walang kredibilidad ang gobyerno. Baka isipin pa ng mga tao naghahanap lang sila ng pagkakagastusan para may makurakot.
Sa palagay ko, ano mang kampanya tungkol sa GOOD CITIZENSHIP ay mahihirapang ma internalize kung hindi ito sustained. Isa pa, ang problema ng GOOD CITIZENSHIP ay hindi lang sa METRO MANILA. Ito ay problema ng buong bansa. Kailangan ang maging target ng kampanya ay ang collective psyche ng mga Pilipino. HIndi uubra yung mga nasa Marikina o Naga lang. Para magkaroon ng impact dapat national ang scope. Isa pang importante aspesto ng kampanya, dapat faceless ito.
Noong isinama ang mga mayor ng Metro Manila sa kampanya, ala na. Simula pa lang sira na. Dapat faceless para hindi pag isipan ng agenda. Kaso hindi uubra sa mga pulitiko ang faceless dahil kahit ano ang mangyari, ilalagay at ilagay nila ang mga pagmumukha nila kahit saan mapa pader man o poste.
Sayang ang kampanyang ito. Pinagkagastusan pero di naman sineseryoso ng mga tao.
No comments:
Post a Comment